GIBO sa ‘DAMDAMING BAYAN’, January 14, 2022
January 14, 2022Naging panauhin si former Secretary of Defense Gibo Teodoro sa DZRH News, ‘DAMDAMING BAYAN’ kasama si Deo Macalma noong 8:15AM ng January 14, 2022.
Ang panayam na ito ay tumagal ng halos limang minuto, kung saan ay tinalakay nila Gibo Teodoro at Deo Macalma ang mga usapin, at isyu ukol sa COVID-19, Digital Security, at West Philippine Sea.
COVID-19
Inilahad ni dating Secretary Gibo Teodoro na ang nararapat na layunin ng ating gobyerno laban sa tumataas na dami ng kaso ng COVID-19 ay ang masusing pagpapadala ng bakuna sa buong bansa.
“Ang bakuna lamang ang tanging proteksyon na’tin laban sa COVID,” ani ni Gibo. “Iyong mga unvaccinated, o iisa pa lamang ang turok – dapat sila’y mabigyan na.”
Ika ni Gibo na subalit nakatutulong ang mga wastong pag-iingat tulad ng ‘social distancing’, may mga panahon na hindi ito posibleng magawa.
Madiin na idinagdag din ni dating Defense Secretary na dapat din na pagtuunan na’tin ng pansin ang paghahanda sa mga ‘booster shots’, at sumasang-ayon siya sa mga ipinatalagang ‘Nationwide Vaccination Days’ ngunit dapat daw ay tuloy-tuloy ito, at hindi lamang dalawa, o tatlong araw.
“We have to learn to live with it as part of our lives,” kanyang ipinahayag. “Moreover, we have to adjust everything accordingly; our systems, our laws, our mandates – everything.”
DIGITAL SECURITY
Noong tanungin naman si former Defense Secretary Gibo Teodoro ukol sa kumakalat na balita ng ‘COMELEC hacking’ kamakailan lamang, kanyang isinagot na kailangang magtulong ng pribado at publikong sektor upang maabiso ito.
Ani niya’y mataas ang kalidad, at matibay ang ‘digital infrastructure’ ng ating pribadong sektor, at malaki ang kanilang maitutulong kung sila’y hahangarin ng ating gobyerno.
Ika ni Gibo na “marami tayong kababayan sa pribadong sektor na may karunungan, at kakayahang tumulong upang mapatibay ang ating digital infrastructure”, sapagkat ito raw ang kanyang nakita at naranasan sa sampung taon niyang paninilbihan sa pribadong sektor.
“Dapat gugulan na’tin ang ating ‘digital security’,” ani ni former Secretary of Defense Gibo Teodoro. “Kung hindi, mawawalan ng tiwala ang ating mga kababayan.”
WEST PHILIPPINE SEA
Bilang na si Gibo Teodoro ay ang dating Secretary of Defense ng ating bansa, kanyang ipinahayag na upang maitaguyod na’tin ang ating soberanya sa West Philippine Sea, “kailangan na’ting mahikayat ang ibang bansa na sumama sa ating boses laban sa panggugulang ng Tsina”.
Ani niya’y “ito ang trabaho ng ating mga diplomat”, sapagkat ito raw ay isang “diplomatic and security issue”, kaya’t nararapat lamang na atin itong abisuhan sa isang mapayapa, at hindi marahas na pamamaraan.
“Sa atin ang West Philippine Sea. Ang Exclusive Economic Zone (EEZ) na ito ay atin,” ika ni former Defense Secretary. “Nasa atin ang batas, at ginawaran na tayo ng Arbitral Award.”
Maliban dito, pinagusapan din nila Deo Macalma at dating Secretary of Defense Gibo Teodoro ang dahilan kung bakit si Gibo ay napagisipang bumalik sa larangan ng politika matapos ang 10 taong pagbubukod dito.
Sabi ni dating Defense Secretary Gibo Teodoro, ang paninilbihan daw “ay tungkulin [niya] bilang isang mamamayan ng ating bansa,” Ani niya’y “sa tingin [niya] ay lahat ng mamamayan na may kakayahang tumulong – dapat tumulong. Lalo na sa panahon na itong laganap ang variant na Omicron.”
