GIBO SA ‘RAPIDO HATAW BALITA’, JANUARY 19

January 20, 2022

Naging panauhin si Former Secretary of Defense Gibo Teodoro sa DZRH News, ‘RAPIDO HATAW BALITA’ kasama sina Raymund Dadpaas at Rey Sibayan noong 2:15PM ng January 19, 2022.

Ang panayam na ito ay tumagal ng higit pitong minuto, kung saan ay tinalakay nila ang mga usapin ukol sa ‘No Vax, No Ride’ policy, Digital Security, at ang pagbili ng Department of National Defense ng mamahaling kagamitan tulad ng patrol ships, at anti-ship missiles.

‘No Vax, No Ride’ Policy

Nang matanong si dating Defense Secretary Gibo Teodoro ukol sa mga negatibong balita na kumakalat tungkol sa ‘No Vax, No Ride’ policy, kanyang inilahad na ang pinakamadaling solusyon dito ay ang pagtatalaga ng mga pampublikong sasakyan na para sa mga bakunado lamang, at para sa mga hindi pa nababakunahan.

Idinagdag ni Gibo na kailangan na’tin klaruhin ang mga ‘designation’ na ito, upang magkaroon ng matiwasay na sistema ang ating mga kababayang sumasakay sa pampublikong sasakyan. Ani niya’y maaari din daw na maglagay ng mga lugar sa isang sasakyan kung saan pwede ang mga hindi pa nababakunahan, at inihalintulad ang mungkahi niyang ito sa sistema ng paghihiwalay ng mga babae sa mga lalake na kasalukuyang itinatalaga sa ating mga tren.

“Bagamat mukhang simple, mahirap solusyonan ang isyu na ito dahil dalawang kabutihan ang nagbabanggaan dito,” ani ng dating Secretary of Defense. “Ang pananatili ng kalusugan ng ating mga kababayan, at ang karapatan, o kalayaang lumabas ng mamamayang Pilipinong nagtatrabaho at pumasok sa kani-kanilang mga opisina.”

Sinabi din ni dating Defense Secretary Gibo Teodoro na hindi maaaring pilitin magpabakuna ang ating mga kababayang hindi pa nababakunahan sapagkat karapatan nila ang mag-desisyon para sa kalusugan nila. Maliban pa doon, idinagdag din ni Gibo na matagal na din itong sinasabi ng DOLE, at mayroon din itong nilabas na listahan na nagsasaad kung sino ang mga ‘exempted’ sa patakarang ito.

“Kailangan na’tin ito na isakatuparan sa isang demokratikong pamamaraan,” ani ni Gibo. “Ngayon na dapat mangyari ito, nang sa gayon ay umikot na muli ang mga gulong ng ating ekonomiya.”

DND Purchase

Bilang dating Defense Secretary, ipinahayag ni Gibo Teodoro na ang pagbili ng Department of National Defense ng 32 Blackhawk Helicopters, 6 patrol ships, at ng anti-ship missiles na pumapatak ng halos 80 bilyong piso ay isang kinakailangang gastos upang patatagin ang depensibong postura ng Pilipinas.

Ayon kay Gibo, kailangan na’tin ito sapagkat magkakaroon tayo ng karagdagang ‘deterrent’, o mga bagay na pipiliting mag-dalawang isip ang kung sinomang may masamang balak sa ating bansa. Ngunit maliban pa doon, ay kailangan din daw itong gugulan pa ng husto para ito’y magamit ng maayos.

“Mula sa pagsasanay ng ating mga sundalo para magamit ito ng tama, hanggang sa pamumuhunan para sa tulong ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at ng makabagong cyber technology nang ma-integrate ito,” ipinaliwanag ni Gibo Teodoro.

Dagdag pa niya’y ang paggastos na ito ay importante, sapagkat mahal, at walang bansa ang hindi gumagastos dito dahil importante ang pagbibigay halaga sa soberanya ng isang bansa.

“Ang National Defense ay hindi biro,” ani ni Former Defense Secretary Gibo Teodoro. “Mahal talaga ito, at kinakailangan talaga ito sa realidad ng mundo.”

Digital Security

Isa din sa kanilang tinalakay ang solusyon sa mga katulad ng ‘hacking incident’ sa sangay ng isang bangko na nangyari noong kamakailan lamang upang maiwasan na ito ng tuluyan. 

Dito naman ay ipinaliwanag ni dating Secretary of Defense Gibo Teodoro na walang solusyon sa problema na ito, sapagkat ito daw ay araw-araw na giyera laban sa mga kriminal na may kagalingan din. Ani niya’y ang tanging pamamaraan lamang na pwede na’ting gawain ay ang pagpapatibay ng ‘Cyber Security’, at mangyayari lamang ito kung pagtutuunan na’tin ng pansin ang mga ‘weakest link’.

“Base sa personal na mga karanasan, ang ‘weakest link’ dito ay ang ‘user’,” madiin na ipinahayag ni Gibo. “Mahirap din itong gawaan ng paraan, sapagkat kaya lamang nakokompromiso ang impormasyon na ito ay dahil sa madaming naloloko sa E-Mail o SMS ‘phishing’.

Ayon kay former Defense Secretary Gibo Teodoro, ang ‘phishing’ daw ay kung saan pinapadalahan ng hacker ang biktima ng isang mensahe na wari daw ay hinihingi ng bangko ang kanilang mga detalye – tulad ng ‘username’, at ‘password’. 

Ani niya’y mahirap itong solusyonan sapagkat kailangan ng ating mga mamamayan ng ‘digital literacy’, “upang makilala ng ating mga mamamayan ang ganitong klase ng panglilinlang”. Dagdag niya pa ay nararapat lamang na tayo’y magsulong ng mga programa upang turuan ang ating mga kababayan ukol sa mga bagay na ganito.

“‘Pag nakatanggap po tayo ng mga text, o e-mail na kaduda-duda, huwag po tayong maniniwala agad,” payo ng dating Defense Secretary. “Dahil sa pagkakataong ibinigay niyo na ang mga detalye ninyo – kayo po ay nanakawan na, at susunod na doon ang inyong mga pinaghirapang pera.”

Nang matapos ang panayam na ito, ay hiningan nina Raymund Dadpaas at Rey Sibayan si dating Secretary of Defense Gibo Teodoro ng isang ‘parting message’ para sa ating mga kababayan ngayon na may lumalaganap na namang COVID-19 variant sa ating bansa. Ito ang kaniyang mensahe:

“Sa ating mga kababayan, ako po’y nananalig at naniniwala sa ating likas na galing at talino sa pagharap ng mga hadlang sa buhay. Kaya’t nararapat lamang na tayo’y magkaisa at mag tulong-tulong nang sa gayon ay makaraos tayo, at makabangon muli.”

 

« Back to News