GIBO SA ‘SARA ALL FOR YOU: EP. 6’, JANUARY 17, 2022
January 18, 2022Naging panauhin si Former Secretary of Defense Gibo Teodoro sa ‘Sara All For You Talk Show: Episode 6’ noong 11:30AM ng January 17, 2022.
Ang panayam na ito ay tumagal ng sampung minuto, kung saan ay tinalakay ng magkaibigan na sina Former Defense Secretary Gibo Teodoro, at Mayor “Inday” Sara Duterte ang mga usapin ukol sa COVID-19 Omicron surge, National Defense, at Disaster Risk Reduction.
The President That Got Away
Pabirong sinabi ni Mayor “Inday” Sara Duterte na si Former Defense Secretary Gibo Teodoro daw ay ang T.O.T.G.A. (The One That Got Away) ng Pilipinas noong 2010. Kung saan naman ay sinabi ni Gibo na siya’y umaasa na hindi na ito mangyari muli ngayong nanakbuhan siya para sa isang upuan sa Senado, sapagkat sa ngayon daw ay mas marami na siyang maisusulong para sa Pilipinas dahil sa mga natutunan niya sa pribadong sektor.
“The One That Can Help na sana ngayon, hindi na T.O.T.G.A.,” patawang sinabi ng dating Defense Secretary.
COVID-19
Madiin na ipinahayag ni Former Secretary Gibo Teodoro na nararapat lamang na mag-ingat ang lahat ng ating kababayan, lalo na ngayon at “napakabilis kumalat ng [Omicron] na ito.”
Kaniya ding inanyayahan na agad na magpa-bakuna na ang mga hindi pa nababakunahan, sapagkat ito lamang ang natatanging “line of defense” ng buong mundo.
Experiences as Defense Secretary
Isa din sa mga pinagusapan nina dating Defense Secretary Gibo Teodoro at Mayor “Inday” Sara Duterte ang mga karanasan ni Gibo Teodoro bilang Secretary of Defense.
Ayon kay Gibo, pinangunahan niyang abisuhin ang mga isyu ukol sa Abu Sayyaf Group (ASG), ang CPP-NPA, pati na din ang MILF – sapagkat wala pang nangyayari na ‘peace talks’ noong mga panahon na iyon. Ngunit ang pinaka-kinailangan daw na tutukan niya noon ay ang mga kalamidad tulad ng mga bagyo, pagbabaha, atbp.
Inilahad ng Former Defense Secretary na ang mga kalamidad na ito’y pinagtuunan nila ng pansin sa pamamagitan ng ‘Defense System of Management’. Ito daw ay isang pamamaraan na pinagsasamantalahan, at binibigyang halaga ang mga ‘assets’ ng limang ahensiyang nasa ilalim ng Department of National Defense (DND), kung saan ay kabilang din ang Armed Forces of the Philippines (AFP).
Bukod doon, ipinaubaya din ni Gibo Teodoro ang isa sa mga palagay niyang nararapat gawin ng Pilipinas ngayon, base sa mga karanasan niya bilang isa na dating Defense Secretary.
Ani niya’y ang ‘Disaster Risk Management’ daw ay hindi lamang umaandar sa “response”, sapagkat mas kailangang tugunan ang pagiging handa na’tin sa mga susunod pang mga kalamidad. Kaya’t nararapat lang daw na ating bigyan ng insentibo ang mga Local Government Units (LGU), sapagkat iba’t-iba daw ang kalagayan ng ating mga rehiyon bilang na isang kapuluan ang Pilipinas.
“Kailangan talagang mag-tulong ng National at Local Government,” ipinaliwanag ng dating Defense Secretary. “Ngunit nararapat lang din na ating bigyan ng kakayahan ang mga LGU nang maging handa sila ng wasto para mapagsamantalahan na’tin ang kalagayan ng ating heograpiya.”
Coming Back to Public Service
Bilang na matagal nang magkaibigan sina Gibo at Sara, pinagusapan nila ang mga karanasan ng Former Defense Secretary sa pribadong sektor, sa pagiging dating Secretary of Defense, at pati na din ang mga pinagdaanan niya bilang isang asawa kay Nikki Teodoro.
Ngunit sa kabila ng lahat na ito, binigyang diin ni dating Defense Secretary Gibo Teodoro ang tunay na dahilan niya kung bakit siya’y lumayag ng sampung taon mula sa pampublikong serbisyo.
Ayon sa kanya, madami daw ang inanyayahan siyang bumalik nang matapos ang halalan noon 2010, ngunit pinili niya ang pagkakaroon ng “learning experience” sapagkat alam niyang lumalaki na ang edad niya.
“I took the time habang kaya ko pang gawin,” ani ni Gibo Teodoro. “Pinili ko na magkaroon ng isang ‘learning experience’ sa pribadong sektor. Dahil doon, marami akong natutunan dito na hindi ko matututunan kung ako’y nanatili sa gobyerno.”
Subalit sa kadahilanang iyon, taimtim na ipinahayag ng dating Secretary of Defense na siya ay nagbalik upang ipaubaya ang kaniyang mga natutunan mula sa pribadong sektor para sa ikabubuti ng ating bansa.
“Ang pag-tulong sa ating bansa ay isang civic duty ng lahat ng Pilipino. Hindi lang sa akin. Kailangan na’ting alamin kung papaano tayo makakatulong sa sari-sarili na’ting mga paraan – at ito, sa palagay ko ang pamamaraan kung saan maibibigay ko ang lahat ng aking makakaya, lalo na ngayon na nasa gitna tayo ng pandemiya,” sabi ni dating Secretary of Defense Gibo Teodoro.
