Gibo sa ANC Headstart, January 17, 2022
January 18, 2022Gibo sa ANC Headstart, January 17, 2022
“I would like the voice of the Philippines to be heard,” pahayag ni dating National Defense Secretary, Gibo Teodoro sa isang panayam sa ANC Headstart kasama si Karen Davila noong 8:30AM ng January 17, 2022.
Sa kaniyang panauhin, tinalakay nila Gibo Teodoro at Karen Davila ang mga isyu tungkol sa Covid-19, West Philippine Sea at International Criminal Court (ICC) probe.
COVID-19
Ipinahayag ni Gibo Teodoro ang kaniyang mga saloobin tungkol sa “No vax. No ride” policy, kung saan hindi pwedeng sumakay sa pampublikong transportasyon ang mga indibidwal na hindi pa nababakunahan laban sa Covid-19.
Ani ng dating Defense Secretary ay sasang-ayon lamang siya dito kung ang lahat ay mayroon nang pagkakataon na makakuha ng bakuna. Kanyang inirason na marami ang mga Pilipino na kailangan pumasok sa trabaho upang matustusan ang kanilang pangangailangan ngunit hindi pa nababakunahan hanggang ngayon dahil sa kakulangan ng bakuna, o dahil sa mga rasong medikal, at iba pa.
Sa kabila ng kaniyang opinyon ukol sa bagong polisiyang ipinatupad, ani niya’y nararapat lamang ito dahil may responsibilidad sa lipunan ang mga indibidwal upang hindi makahawa, at magkaroon ng malalang sintomas.
Pagdating naman sa usaping responsibilidad na panlipunan, tinanong si dating Defense Secretary Gibo Teodoro kung ano ang kaniyang opinyon sa isyu ukol sa ilang manggagawa sa QC, Caloocan at Valenzuela na kailangang magpakita ng negative RT-PCR test kada dalawang linggo sa kanilang sariling gastos. Ipinaliwanag niya na responsibilidad ng kumpanya na bigyan ng ligtas na kapaligiran ang kanilang mga empleyado.
“The company has a Corporate Social Responsibility (CSR) to create a safe environment for their workers,” ani ng dating Congressman ng Tarlac.
NATIONAL DEFENSE
Bilang dating Secretary of National Defense, si Gibo Teodoro ay hiningan ng palagay tungkol sa isyu ng West Philippine Sea, kung saan tinanggihan ng Pilipinas ang pakikisama sa pagsasanay ng hukbong-dagat ng Estados Unidos, sa kadahilanan na baka masiphayo ang bansang Tsina. Kaniyang isinagot na nararapat lamang na sumali ang Pilipinas sa pakikipagsanay sa hukbong-dagat kasama ang lahat ng kaalyansang bansa na’tin.
Sinusuportahan din daw ni Gibo ang pagpapatibay ng kakayahan ng ating sandatahang lakas; hindi lamang sa digital hardware, kung hindi sa digital infrastructure, at cyber capabilities din.
WEST PHILIPPINE SEA
“I would like the voice of the Philippines to be heard through the strengthening of the Department of Foreign Affairs,” mungkahi ng dating Tarlac Congressman.
Ayon kay former Defense Secretary Gibo Teodoro, madami daw ang bumabatikos sa kaniyang pananaw pag dating sa isyu ng West Philippine Sea, ngunit ani niya’y trabaho ng mga diplomatiko ang ipaalam sa buong mundo ang nangyayari sa Pilipinas.
Maliwanag na nasa Pilipinas na ang pagmamay-ari ng West Philippine Sea base sa Arbitral Award, at ito ay pasok sa Exclusive Economic Zone ng UNCLOS.
ICC ‘DRUG WAR’ PROBE
Tutol si former Secretary of Defense Gibo Teodoro sa pag iimbestiga ng International Criminal Court (ICC) sa isyu ng ‘war on drugs’. Ani niya’y importante daw na palakasin na’tin ang ating mga institusyon dahil ito ang nagpapatibay ng ating sariling kakayahan na mamuno, at isakatuparan ng hustisya.
Pinasalamatan naman ni dating Congressman ng Tarlac Gibo Teodoro si Mayor Sara Duterte sa pag suporta at pag-endorso nito sa kanya bilang isa sa mga Senador na nasa listahan ng alkalde.
Maliban dito, napag usapan nila Karen Davila at Gibo Teodoro kung ano ang lupon na gustong hawakan ng dating Defense Secretary kung sakali na siya ay manalo bilang Senador. Sagot naman ni Gibo Teodoro, ay nais niyang pangunahan ang Committee on Finance upang mabigyan ng sariling pondo ang ating mga Local Government Units.
“Hindi ako mawawalan ng pag-asa sa Pilipinas dahil ito ay ating bansa,” taas-noong ipinahayag ni dating Defense Secretary Gibo Teodoro.
Panooring ang buong interview sa: https://www.youtube.com/watch?v=GsnMtBTqSYk
